1O Diyos, iligtas nʼyo ako sapagkat tulad ako ng isang taong malapit nang malunod.
2Tila lulubog na ako sa malalim na putik at walang matutuntungan. Para akong nasa laot at tinatabunan ng mga alon.
3Pagod na ako sa paghingi ng tulong at masakit na ang aking lalamunan. Dumidilim na ang paningin ko sa paghihintay ng tulong nʼyo, O Diyos.
4Marami ang napopoot sa akin, mas marami pa sila kaysa sa aking buhok. Gusto nila akong patayin nang walang dahilan. Pinipilit nilang isauli ang mga bagay na hindi ko naman ninakaw.
5O Diyos, alam nʼyo ang aking kahangalan; hindi lingid sa inyo ang aking mga kasalanan.